Tulad ni Gat. Jose Rizal

Isinulat ni John Dave Brion

Tuwing ika-30 ng Disyembre, ating ginugunita ang araw kung kailan sinambit ang, “Consummatum est,” ng ating tanyag na bayani na si José Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda, o mas kilala na Dr. Jose P. Rizal. Sino nga naman ang makalilimot sa isa sa mga Pilipinong pumiglas mula sa kadenang ginawa ng mga Kastila? Bawat tao sa bansa ay tinitingala siya sa angking katapangan na kan’yang ipinakita gamit ang pluma’t papel noong panahong talamak ang pang-aabuso’t paniniil ng dayuhan. 

Si Rizal ay isang mabuting ehemplo para sa mga kabataan. Sa murang edad ay makikitaan na ang bayani ng nag-aalimpuyong pag-ibig para sa bayan. Sa katotohanan nga’y si Rizal mismo ay naniniwalang kabataan ang pag-asa ng bayan. Sa kan’yang tulang “A La Juventud Filipina” na nilikha noong 1879 sa Unibersidad ng Santo Tomas, inihayag niya ang linyang “Magandang pag-asa ng bayan kong mutya,” na tumutukoy sa mga kabataan. Mula sa tulang ito, nabuo ang sikat na pariralang, “Ang kabataan ay pag-asa ng bayan,” kalimitan natin itong naririnig, ngunit ang tanong: Atin pa kayang naisasabuhay?

Ilang taon na rin ang lumipas mula noong tayo’y nakalaya mula sa mga mapang-aping dayuhan. Mayroon na tayong sariling wika, pamumuno, teritoryo, at pagkakakilanlan— marami nang nagbago. Ito ay ating tinatamasa ngayon dahil sa mga Pilipinong lumaban noon, at isa na nga rito si Dr. Jose P. Rizal. Sa kabila ng panganib ay kan’yang pinili ang pagsasalita’t paglaban para lamang sa ikagiginhawa ng buong bayan. At sa dulo ito nga’y naging matagumpay kahit na sa kabilang banda ay nawalan siya ng sariling buhay. Napatalsik ang mga dayuhan sa Inang Bayan, ngunit tayo nga ba’y nakalaya na mula sa mga pang-aabuso’t paniniil? 

Mula noon, hindi na nawala sa bansa ang kawalan ng katarungan at ang malala pa nga’y kapwa Pilipino na ang nasa likod ng mga ito. Nariyan ang kaliwa’t kanang patayan, nakawan, pantatapak sa karapatang pantao, at kung ano-ano pang kawalang-hiyaan na madalas ay sila pang mga may kapangyarihan ang may pakana. Ayon nga sa ulat ng United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR) noong nakaraang taon, talamak sa Pilipinas ang mga walang kaparusahan sa mga nangyayaring paglabag sa mga karapatang pantao at ang pahirapang pagkamit ng hustisya ay mahirap lutasin. Maraming nabibiktima at ang mga pag-asa ng bayan ay hindi rin ligtas mula sa mga pang-aabusong ito, sa katotohanan nga’y naitala ng Commission on Human Rights mula 2016 hanggang 2020 na may 73 kabataan ang namatay sa mga operasyon kontra droga. 

Gayunpaman, may mga tao pa ring pinipili ang magsalita’t lumaban upang masolusyonan ang iba’t ibang mga marginalisasyon sa bansa, at isa sa mga ito ay ang kabataan din mismo. Sa panahong talamak pa rin ang pang-aabuso’t pagpapahirap, mahalaga ang nagiging gampanin ng kabataan. Tulad ni Rizal, mahalaga ang maging mulat ang kabataan sa mga tunay na pangyayari sa bansa upang maprotektahan natin ang mga henerasyon sa hinaharap. Tulad ni Rizal, kabataan ang gigising sa mga taong nabulag na’t nasanay sa mga pagpapahirap. Tulad ni Rizal, kabataan ang magpapalaya sa mga taong ginapos sa marginalisasyon nang walang ginagamit na dahas. 

Ating masusugpo ang mga pagpapahirap sa pamamagitan ng pagsasalita ng kung ano ang totoo at pagtawag sa mga may kapangyarihan na nangyayari ang mga ito. Katotohanan ang magpapalaya sa bayan at bilang kabataan mahalaga ang maging kritikal sa mga impormasyon at bagay-bagay na kumakalat sa bansa. Ating sundin ang inihayag ni Rizal sa kan’yang tula na gamitin natin ang agham at sining sa pagpapalaya sa mga mamamayang humaharap sa kawalang-katarungan. Sama-sama rin nating ipangibabaw ang talino at diwa ng kabataan upang umunlad ang bayan. 

Ngunit may iilang maririnig na pangkukwestiyon kung kabataan pa nga ba ang pag-asa ng bayan. Tila nawalan na sila ng tiwala sa mga ito buhat na rin sa mga impluwensiya ng dayuhan, mga iba’t ibang kalokohan at kawalan ng pakialam sa mga nangyayari sa bansa. Totoo naman na nangyayari ang mga nabanggit, ngunit hindi ibig sabihin nito ay wala nang nagliliyab na damdamin ang kabataan para sa Inang Bayan. Hindi rin ibig sabihin nito na wala nang lumalaban para makamit ang pag-asa na tinutukoy ni Rizal. Marami nang kabataan ang minulat ang mga mata’t binuksan ang bibig. Marami nang lumalaban at sumasama sa laban kontra sa kawalang-katarungan. Kung babasahin nga ang artikulo tungkol sa kasaysayan ng protestang pulitikal sa bansa na nakasulat sa Official Gazette ng Pilipinas, noon pa ma’y aktibo na ang mga kabataan sa usaping isyu ng lipunan mula taong 1960 hanggang sa EDSA II. At hanggang ngayon ay ramdam pa rin natin ang ilang mga kabataan na patuloy sa paglaban sa mga katiwalian na mayroon sa bansa. 

Bukod sa pagsasalita ukol sa mga kinahaharap na isyu ng bansa, bilang kabataan, isa rin sa gampanin natin ang imulat ang kapwa sa kung ano ang totoo. Himukin na mahalaga ang isang bata para sa pag-asa ng buong bansa. Kapag nagsama-sama ang kabataan, walang sinumang mapang-abuso ang makapipigil at tiyak ang pag-unlad ng Pilipinas.

Kaya ikaw na kasama sa kabuuang numero ng kabataan, ikaw ay mahalaga para sa bayan. Gamitin ang iyong mga mata para makita ang mga matagal nang nagdurusa. Gamitin ang iyong boses para sa mga napipi ng marginalisasyon. Gamitin ang iyong kamay upang ibangon ang mga napilayan ng mapang-abusong sistema. Maging mapanuri’t kritikal. Pumanig sa katotohanan. Dahil tulad ni Rizal, ikaw, ang kabataan, ang magpapalaya sa mga taong kinadena ng mga mapagsamantala. 

Sa araw ng kamatayan ng dakilang bayani, nawa’y ating itanim sa puso’t isipan ang kaniyang mga sakripisyo para mapalaya ang sugatang Inang Bayan. Namatay man si Rizal, mananatili namang buhay ang mga prinisipyong iniwan niya sa atin. At tayong mga kabataan ang pinagkatiwalaan niya upang ipagpatuloy ang paglaban tungo sa tunay na kalayaan.

Leave a comment