Bilang ng frontliners na nagkakasakit sa Tala Hospital, patuloy na bumababa

Written by Renmar Soreda

Bumababa na ang dami ng mga health worker na nagpositibo sa COVID-19 sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS) sa Tala, Caloocan, ayon kay Hospital Director Dr. Alfonso Victorino Famaran Jr.

Ito ay matapos tamaan ng sakit ang 4 mula sa 10 empleyado noong isang linggo. Katumbas nito ang 510 mula sa estimadong bilang na 1,300. 99.2% sa mga nagpositibo ang umano’y bakunado na, habang karamihan ay nakatanggap na rin ng booster shots. Sumailalim na rin sa 7 hanggang 10 araw na quarantine ang mga nagkasakit, ani Famaran sa kanyang panayam sa PTV noong Martes.

Mula sa halos kalahating bilang, umabot na lamang sa 298 ang active cases mula sa frontliners ng nasabing ospital. Malaking kabawasan umano ito mula sa 500-600 mga kaso noon. Samantala, mayroon namang kasalukuyang 274 pasyente ang nahawaan ng virus.

“Iyong mga naka-admit po rito[ng] severe cases 8 patients or 3 percent, critical cases 7 or 2.6 percent, moderate cases 259 or 94 percent po,” pahayag ng Medical Director sa isang panayam noong Miyerkules.

Dagdag pa ni Famaran, 55% sa mga nahawaan ay unvaccinated. Samantala, 43% naman ang fully vaccinated habang 2% ang partially vaccinated.

Kasabay nito, bumaba na rin ang admission rate sa ospital. Mula sa 25-30 kada araw noong nakalipas na dalawang linggo, dumausdos na lamang ito sa 15-20 ngayong linggo.

Bagamat balik-normal naman na umano ang mga numero ng COVID-19 cases sa institusyon, mananatili pa rin ang operasyon dahil sa mga ipinadalang tauhan ng iba’t-ibang ahensya at organisasyon. 214 mula sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH), 10 mula sa Centre for Health Development ng World Health Organization, at 5 mula sa PNP General Hospital.

Samantala, nakapagtala ang Caloocan City Health Department and City Epidemiology and Surveillance Unit ng 34 na bagong kaso sa lungsod kahapon, January 20. Sa kabuuan, 67,511 na ang kumpirmadong tinamaan ng sakit at 320 rito ay ang mga aktibong kaso ng sakit.

Photo from Oscar “OCA” Malapitan Facebook page

Sources: (1) (2)

Leave a comment