Pia, Karmina at Ressa— mga mukha ng makabagong pakikibaka para sa katotohanan at kababaihan

Isinulat ni Jessica Luna

Sa pagpasok ng buwan ng Marso, kabi-kabila ang mga naging pangangampanya at pagpapakilala ng mga aplikante sa mga posisyon sa gobyerno sa nalalapit na eleksyon ngayong Mayo.

Isa sa mga naging pambungad sa buwan na ito ay ang naging panayam kay Presidential Aspirant Dr. Jose Montemayor Jr. na nagpahayag ng kanyang mga plataporma’t opinyon sa mga isyung kinahaharap ng bansa at maging ang kanyang reaksyon sa binitawan niyang mga alegasyon sa kapwa kandidatong si Manila Mayor Isko Moreno. 

Sa programang In Focus ng ANC, tinanong ng batikang journalist at TV anchor na si Karmina Constantino kung alin ang dapat paniwalaan ng publiko sa kanyang paratang na tumanggap umano si Moreno ng campaign donations mula kay Bill Gates, ng walang malinaw na detalye ng mga ebidensyang sumusuporta rito. 

“Well, if you would just research, especially if you’re in the media, you should have known better, unless Isko Moreno paid ANC and ABS-CBN,” ani Montemayor.

Agad namang dumipensa ang mamamahayag at mariing itinanggi ang akusasyon ng kandidato. 

“I’m sorry, I’m not going to let that pass. Doctor Montemayor, we are not in the business of getting paid. I am personally insulted by that insinuation. We can go on with this interview, we can leave this topic aside and move on, but let me tell you, this is not an insinuation that I will take lightly,” giit ni Constantino.

Dagdag pa ni Constantino, kailan man ay hindi siya tumatanggap ng kahit anong kabayaran maging ang kanyang organisasyong kinabibilangan. 

Matapos nito, bagamat nakatanggap ng pang-iinsulto sa kandidato, ipinagpatuloy ni Constantino ang panayam at sunod na itinanong kay Montemayor kung anong klaseng lider ito kung naniniwala ito sa fake news. 

Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko ang naging panayam na ito at marami ang humanga sa ipinamalas na integridad ng babaeng mamamahayag. Ngunit sa kabila nito, hindi maitatanggi na ang isyu tungkol sa tahasang pag-atake sa mga babaeng mamamahayag at ang di makatarungang trato’t  diskriminasyon sa hanay ng mga kababaihan ay kabilang sa mga problemang hindi pa rin nasusolusyonan sa ating bansa. Marami rito, imbes na matugunan at malabanan, lalo pang lumalala. 

Hindi nalalayo ang sinapit ni Pia Ranada, isang reporter ng Rappler na nakadestino sa Malacañang noong February, 2018. Sa lahat ng mga reporter na nakatakdang magcover sa mga kaganapan ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Ranada lamang ang nabanned at hindi pinapasok.

“There was no forewarning, nobody explained sufficiently the grounds for why I was banned, and it was obviously selective because it was only me who was affected by that rule,” ani Ranada.

Matatandaang sa kaparehas na taon, ipinahayag ni Duterte ang kanyang kawalan ng tiwala sa organisasyong Rappler kung saan empleyado si Ranada. Kaya naman ipinag-utos ng presidente na alisin sa listahan ng mga midyang makapapasok sa Malacañang ang Rappler pati ang mga reporter nito. 

Ngunit hindi nagpasiil si Ranada at ipinagpatuloy pa rin ang pagbabantay sa galaw ng pangulo kahit pa maski siya at  ang pamilya niya ay nakatatanggap na ng mga banta mula sa mga  tagasuporta ng administrasyon at trolls. 

“I would get Twitter tags where people would threaten me with rape,” pagbabahagi niya.

Ayon kay Ranada, hindi siya nagpasindak sa mga naganap dahil trabaho aniya ito at parte ng kaniyang sinumpaang tungkulin na magbalita kahit pa may hindi magandang nangyayari. 

“It’s important to push back because if you don’t, people will think the entire media can be manipulated and can be intimated. If you don’t respond, if you don’t assert your right to report, then that just gives them license to step all over you again and ramp up the attacks,” dagdag pa niya. 

Magugunita naman na ang naging laban ng premyadong mamamahayag at Nobel peace prize receiver na si Maria Ressa, CEO ng organisasyong Rappler, ay naging laban din ng buong hanay ng midya para sa malayang pamamahayag. 

Taong 2017, inakusahan ang Rappler, sa panguguna ni Pangulong Rodrigo Duterte na nilabag umano nito ang pambansang konsitusyon at sinabing pugad ito ng mga mali at pekeng balita. 

Ang mga akusayong ito ay di kalauna’y napatunayan na walang basehan at hindi totoo. Ngunit sa kabila nito, sinampahan pa rin ng kasalukuyang administrasyon ng kasong cyber libel na may anim na taong pagkakakulong si Ressa at ang dating researcher ng Rappler na si Reynaldo Santos Jr. noong taong 2020.

Itinuturing na isa sa pinakamalaking dagok sa buong kasaysayan ng midya ang nangyari kay Ressa ngunit isa rin sa pinakanatatanging pagdepensa laban sa mga nagnanais na kontrolin at abusuhin ito. 

“Without facts, you can’t have truth. Without truth, you can’t have trust. Without trust, we have no shared reality, no democracy, and it becomes impossible to deal with our world’s existential problems: climate, coronavirus, the battle for truth,” ani Ressa sa kanyang talumpati nang matanggap ang mataas na parangal na Nobel Peace Prize.

Ilan lamang ito sa maraming pagkakataong sinubok na siilin at maliitin ang kakayahan ng kababaihang journo sa paghahatid ng totoo, kritikal, at konkretong balita.

Hindi na ito bago, dahil sa paglipas ng panahon, iba’t ibang pamamaraan ang lulutang para muling subukin at patumbahin ang hanay ng mga kababaihan. Hindi rin ito ang unang pagkakataon na pinahiya, pinaratangan at hinusgahan ang mga tulad nina Karmina, Pia at Maria sapagkat ang paggipit sa midya lalo na ang mga kababaihang miyembro nito ay tila nakasanayan na lalo ng kasalukuyang administrasyong pinupuri ang kulturang “misogynism”.

Ang patriyarkal na lipunang umiiral ay magpapatuloy lamang sa pagdaan ng panahon kung patuloy itong hahayaan at ipagkikibit-balikat. 

Ang tanong, komportable ka bang saksihan na lamang ang lumalalang isyung ito?

Anuman ang maging sagot, mananatiling buhay ang paniniwalang sa kahit ano mang laban, wagi pa rin ang kababaihan at katotohanan.

Leave a comment